Friday, October 2, 2015

Ulan


HINAHANAP HANAP KITA 


Umuulan na naman.
Mahina lamang ang pagpatak kanina.
Ngayon ay bumuhos na nga
At ang langit ay makulimlim.
Nakikisama.
Sa akin.
Sa nararamdaman ko.
Ngayong malayo ka.
Oo nga at kasama lang kita kanina.
Abot tanaw. 
Abot kamay.
Abot saya. 
Pero oras na naman kasi
Para tayo ay maghiwalay.
Pansamantala lang naman.
Alam ko naman iyon.
Mamaya ay makakausap naman kita.
Pasensya ka na, mahal ko.
Hindi pa rin ako masanay na wala ka sa tabi ko.
Kahit pa nga andito ka lang naman sa puso ko.
Iniisip kita.
Nakangiti naman ako 
Habang inaalala kita.
Pero ito kasing puso ko.
Umiiyak.
Nangungulila.
Parang ang tagal ng takbo ng oras.
Habang hindi pa tayo magkasama,
Narito naman ang ulan para dumamay
Sa aking panglaw habang wala ka.
Sa pagbuhos ng ulan 
Tila iniiyak nito ang aking damdamin
Na pilit ko sanang ikinukubli
Dahil ayaw mong ako'y nalulungkot.
Sana saglit lamang ang ulan na ito.
Sana sumilay na ang ngiti ng araw
Mula sa iyong nangungusap na mga mata 
At muling sumigla ang paligid
Dahil nariyan ka na.
Kasama ko.
Masaya na ulit ako.
Saka pa lang lilipas ang ulan. 



No comments:

Post a Comment